Ang pambansang wika ay isang wika o diyalekto na natatanging kinakatawan ang pambansang pagkilanlan ng isang lahi at/o bansa. Ginagamit ang isang pambansang wika sa politikal at legal na diskurso at tinatatalaga ng pamahalaan ng isang bansa.
May mahigit sa isang pambansang wika ang ilan sa mga bansa, katulad sa Canada na
gumagamit ng Pranses at Ingles. Hindi dapat ipagkamali ang pambansang wika sa
namamayaning wika, na sinasalita ng karamihan ng mga tao sa loob ng teritoryo
ng isang bansa.
Ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na
bantas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Tinatayang nasa pagitan
ng 6,000 hanggang 7,000 ang mga wika sa daigdig, depende sa kung gaano katiyak
ang pangahulugan sa "wika", o kung paano ipinag-iiba ang mga wika at
mga diyalekto. Ang siyentipikong pag-aaral ng wika ay tinatawag na linggwistika. Nag-ugat
ang salitang wika mula sa wikang Malay. Samantalang nagmula naman sa Kastila ang isa
pang katawagan sa wika: ang salitang lengguwahe. Tinatawag ding salita ang wika. Katulad ng language -
tawag sa wika sa Ingles - nagmula
ang salitang lengguwahe o lengwahe sa salitang lingua ng Latin, na
nangangahulugang "dila", sapagkat nagagamit ang dila sa paglikha ng maraming
kombinasyon ng mga tunog, samakatuwid ang "wika" - sa malawak nitong
kahulugan - ay anumang
anyo ng pagpaparating ng damdamin o ekspresyon, may tunog man o wala, ngunit
mas kadalasang mayroon.
Pinakapayak
sa mga anyo ng wika ang paggamit ng mga salita o pagsasalita. Subalit kabilang
din rito ang pagsusulat ng mga wikang pasenyas larangan ng musika, sining ng pagpipinta, pagsasayaw at maging ang matematika. "Wika"
ang lahat ng mga ito kung gagamitin ang malawakan na kahulugan ng wika. Sa
ilang pagkakataon, tinatawag ding dila (piguratibo), salita, diyalekto o lingo (sariling-wika ng isang grupo, [bigkas: ling-gow, mula sa Ingles]) ang wika.
Mga
Kaantasan ng Wika:
·
Kolokyal/pambansa -
ordinaryong wika na ginagamit ng mga kabataan sa kanilang pang-araw-araw na
pakikipag-usap na kadalasang malayang pinagsasama ang mga wikang Ingles at Filipino.
·
Kolokyalismong
karaniwan - ginagamit na salitang may "Taglish"
·
Kolokyalismong may
talino -
ginagamit sa loob ng silid-aralan o paaralan
·
Lalawiganin/Panlalawigan -
wikang ginagamit ng isang partikular na lugar o pook.
·
Pabalbal/balbal (salitang
kalye) - pinakamababang uri ng wikang ginagamit ng tao, na nabuo sa kagustuhan
ng isang partikular na grupo na nagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan. Ito
rin ay maaring nabuo sa pag-baliktad ng mga salitang Kolokyal/pambansa.
·
Pampanitikan/panitikan -
wikang sumusunod sa batas ng balarila at retorika.
Mga
Kagamitan ng Wika:
·
Isang proseso ng pagpapalitan ng impormasyon na kadalasan na
ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang sistema ng mga simbolo ang komunikasyon.
Ang araling pangkomunikasyon ang
disiplinang pang-akademya kung saan pinag-aaralan ang pakikipagtalastasan.
·
Ginagamit ang wika sa pagpapahayag ng pangungusap. Madaling
maunawaan ang pangungusap kahit gaano pa kahaba o ano man ang anyo nito.
Malinaw ito kaya madaling naiintindihan ng bumabasa o nakikinig ang kahulugan
nito.
·
Pagpapaliwanag o pagpapaunawa ang tawag sa gawaing pangkaisipan
upang matugunan ang pakikipagugnayang ginagamitan ng mga pananalita o mga
hudyat o senyas ng kamay, maaaring
kasabayan ng taong nakikipagugnanayan, o matapos ang bawat bahagi ng paglalahad
ng taong nakikipagugnayan. Nagaganap ang pagpapaunawa sa pagitan ng dalawa,
tatlo, o higit pang bilang ng mga tagapagsalita o tagapaglahad na hindi
nakapagsasalita o nakasesenyas mula sa pinagmumulang wika.
Kategorya ng Paggamit ng Wika
Ang dalawang kategorya ng paggamit ng wika ay pormal at impormal o di-pormal.
Pormal
Ang pormal ay ang mga salitang istandard,
karaniwan, o pamantayan dahil kinikilala, tinatanggap at ginagamit ng higit na
nakararami lalo na mga nakapag-aral ng wika. Ginagamit ito sa mga usapang
pormal. Narito ang mga uri nito:
1.
Pambansa o karaniwan - mga karaniwang salitang ginagamit sa mga
aklat pangwika o pambalarila sa mga paaralan, gayundin sa pamahalaan.
2.
Pampanitikan o panretorika- mga salitang ginagamit sa mga akdang pampanitikan,
karaniwang matatayog, malalalim, makulay, at masining.
Impormal o di-pormal
Ang impormal o di-pormal ay mga salitang karaniwang palasak at
madalas gamitin sa pang-araw-araw na pakikipagusap. Ginagamit ito sa mga hindi
pormal na usapan. Narito ang mga uri nito:
1.
Lalawiganin - mga bokabularyong diyalektal. Gamitin ito sa mga
partikular na pook o lalawigan lamang.
2.
Balbal - mga salitang nahango lamang sa pagbabago o pag-usod ng
panahon, mga salitang nabuklat sa lansangan.
3.
Kolokyal - mga salitang ginagamit sa mga pagkakataong inpormal.
Ang pagpapaikli ng isa, dalawa, o higit pang salita ay mauuri rin sa antas na
ito.
Kasaysayan
Mga Probisyong Pangwika sa Saligang-Batas
·
Saligang-Batas ng
Biyak-na-Bato (1896) – Ang Wikang Tagalog ang magiging
opisyal na wika ng Pilipinas.
·
Saligang-Batas ng
1935 –
Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng
isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong
wika. Hanggang hindi nagtatadhana ng iba ang batas, ang Ingles at Kastila
ay patuloy ng gagamiting mga wikang opisyal.
·
Saligang-Batas ng
1973 –
Ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at
pormal na adopsyon ng isang panlahat na wikang pambansa na tatawaging Filipino
·
Saligang-Batas ng
1987 –
Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang,
ito’y dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas
at sa iba pang mga wika.
Ang
Kasaysayan ng Komisyon sa Wikang Filipino
Itinatag
ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na
nilagdaan ng Pangulo ng Komonwelt, si Manuel L. Quezon noong Nobyembre 13,
1936. Ang pangunahing layunin ng Surian ay piliin ang katutubong wika na
gagamiting batayan ng pagpapalaganap at pagpapatibay ng wikang pambansa ng
Pilipinas.
Ang
batas ay pag-alinsunod sa Konstitusyon ng 1935 na nagtatadhanang “ang Kongreso
ay gagawa ng hakbang upang linangin at palaganapin ang wikang pambansa sa isang
wikang katutubo.”
Noong
Enero 13, 1937, hinirang ng Pangulo ang mga kagawad ng SWP. Si Jaime C. de
Veyra ang naging unang direktor. Ang naging unang tahanan ng Surian ay ang
isang maliit na silid sa Department of Public Information. Pagkaraan,
nagpalipat-lipat ito: napatira sa Silid Blg. 326 ng Kongreso, nagkaroon ng
silid sa Malacañang, nalipat sa Philippine Columbian, at noong 1940, napunta sa
gusali ng UP Alumni sa Padre Faura. Noong 1942, napunta naman ito sa Philippine
Normal School (naging College at ngayo’y University) bago napalipat sa “radio
room” ng Mataas na Paaralang Mapa noong 1946. Nagbalik ito sa Malacañang noong
1947 bago napunta sa Philippine School at Arts and Trade. Nagkaroon din ito ng
opisina sa isang “Japanese Temple” sa kalye Lipa, Maynila.
Nang
itadhana ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 94 at ang Batas ng Pagbabagong Tatag
ng 1947, inilipat ang pangangasiwa ng SWP sa Kagawaran ng Pagtuturo, at ito ay
nanahanan sa gusali ng Edukasyon sa Arroceros. Tumagal ito roon ng 34 na taon.
Noong 1984, nang buwagin ang nasabing gusali at nalipat ang noo’y Ministri
(ngayo’y Kagawaran) ng Edukasyon, Kultura at Isports sa Palacio del Gobernador,
lumipat ang SWP sa ikatlo at ikaapat na palapag ng Gusaling LDCI sa kanto ng
EDSA at East Avenue, Lungsod Quezon.
Noong
Enero taong 1987, batay sa nilagdaang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 ng
Pangulong Corazon C. Aquino, ang SWP ay pinalitan ng Linangan ng mga Wika ng
Pilipinas na pagkaraan ay binuwag naman nang buuin ang Bagong Konstitusyon ng
Pilipinas noong 1987. Petsa Agosto 14, 1991 nang likhain sa bisa ng Batas
Republika Blg. 7104 ang Komisyon sa Wikang Filipino. May atas ang Komisyon na
magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad,
pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng
Pilipinas.
Ang
pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng atas ay isinagawa sa pamamagitan ng
pagbabalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa ng iniuugnay sa
iba’t ibang tanggapang pampamahalaan at maging pribado man (RA 7104, Sek.
14-g).
Sa
kasalukuyan, ang komisyon sa Wikang Filipino ay nasa ilalim ng Tanggapan ng
Pangulo ng Pilipinas at nakabahay sa ikalawang palapag (second floor) ng
Gusaling Watson, 1610 J.P. Laurel Street, San Miguel, Maynila.
Mga Naging Direktor/Tagapangulo Surian ng Wikang
Pambansa, Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at Komisyon sa Wikang Filipino
RICARDO
MA. DURAN NOLASCO(2006-Kasalukuyan.
Guro,
iskolar at linggwista. Nakatuon sa ang komitment sa multilinggwal na
adhikain. Ang katwiran nito ay ibinatay sa pagiging multilinggwal at pagiging
multikultural ng mga Pilipino. Ang kasalukuyang administrasyon ng KWF ay
naniniwala sa napakalaking bentahe ng pagkakaroon ng Pilipinas ng mahigit na
170ng wika sa halip na isang disbentahe. Ang natural na kundisyon ng
karaniwang Pilipino at ng karaniwang mamamayan sa daigdig ay hindi lang iisa
ang alam na wika. Kinikilala ng KWF ang kahalagahan ng mga wikang
ginagamit ng mga Pilipino – ang katutubong wika para sa literasiya at edukasyon
ng mga mamamayan, etnikong pangangailangan at pang-araw-araw na gamit; ang
wikang pambansa para sa pambansang kamalayan, pagkakaunawaan, pakikipag-ugnayan
at pagkakakilanlan; at ang mga wikang pang-ibayong dagat na tutugon sa
pangangailangan ng wika ng malawak na komunikasyon (language of wider
communication) at wika ng ugnayang pang-internasyonal.
Kaugnay ng bagong bisyon ng KWF,
nagkaroon ito ng mga bagong programa at proyekto, tulad ng mga sumusunod:
pinalalakas nito ang mga programa sa leksikograpiya; programa sa balarila ng
Pilipinas; programa sa ponolohiya, ponetika at ortograpiya; pambansang programa
sa pagsasalin; proyekto sa sa pagmamapa ng mga wika sa Pilipinas; proyekto sa
bibliograpiya ng mga wika sa Pilipinas; programa para sa endangered languages;
corpus ng mga wika sa Pilipinas. Sinisikap ng KWF na itayo ang Library at
Archives of Philippine languages; napataas ang kantidad at kalidad ng mga
publikasyon; nagdadaos ng mga seminar, workshop, lektyur, at iba pang
aktibidad na pang-edukasyon; pinapaganda
ang website; nagkakaloob ng mga research grants o tinutulungan ang
mga stakeholder na makakuha ng mga research grants; nagtatayo ng mga
language councils sa mga rehiyon; pinalalakas ang mga kakayahang pang-IT
at pampananaliksik, at higit sa lahat sinisikap na magkaroon ng
sarili tahanan at gusali ng wika.
Mga Sanggunian:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento