Linggo, Abril 30, 2017



Ang pambansang wika ay isang wika o diyalekto na natatanging kinakatawan ang pambansang pagkilanlan ng isang lahi at/o bansa. Ginagamit ang isang pambansang wika sa politikal at legal na diskurso at tinatatalaga ng pamahalaan ng isang bansa.
May mahigit sa isang pambansang wika ang ilan sa mga bansa, katulad sa Canada na gumagamit ng Pranses at Ingles. Hindi dapat ipagkamali ang pambansang wika sa namamayaning wika, na sinasalita ng karamihan ng mga tao sa loob ng teritoryo ng isang bansa.
Ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na bantas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Tinatayang nasa pagitan ng 6,000 hanggang 7,000 ang mga wika sa daigdig, depende sa kung gaano katiyak ang pangahulugan sa "wika", o kung paano ipinag-iiba ang mga wika at mga diyalekto. Ang siyentipikong pag-aaral ng wika ay tinatawag na linggwistika. Nag-ugat ang salitang wika mula sa wikang Malay. Samantalang nagmula naman sa Kastila ang isa pang katawagan sa wika: ang salitang lengguwahe. Tinatawag ding salita ang wika. Katulad ng language - tawag sa wika sa Ingles - nagmula ang salitang lengguwahe o lengwahe sa salitang lingua ng Latin, na nangangahulugang "dila", sapagkat nagagamit ang dila sa paglikha ng maraming kombinasyon ng mga tunog, samakatuwid ang "wika" - sa malawak nitong kahulugan - ay anumang anyo ng pagpaparating ng damdamin o ekspresyon, may tunog man o wala, ngunit mas kadalasang mayroon.
Pinakapayak sa mga anyo ng wika ang paggamit ng mga salita o pagsasalita. Subalit kabilang din rito ang pagsusulat ng mga wikang pasenyas larangan ng musika, sining ng pagpipinta, pagsasayaw at maging ang matematika. "Wika" ang lahat ng mga ito kung gagamitin ang malawakan na kahulugan ng wika. Sa ilang pagkakataon, tinatawag ding dila (piguratibo), salita, diyalekto o lingo (sariling-wika ng isang grupo, [bigkas: ling-gow, mula sa Ingles]) ang wika.

Mga Kaantasan ng Wika:
·         Kolokyal/pambansa - ordinaryong wika na ginagamit ng mga kabataan sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap na kadalasang malayang pinagsasama ang mga wikang Ingles at Filipino.
·         Kolokyalismong karaniwan - ginagamit na salitang may "Taglish"
·         Kolokyalismong may talino - ginagamit sa loob ng silid-aralan o paaralan
·         Lalawiganin/Panlalawigan - wikang ginagamit ng isang partikular na lugar o pook.
·         Pabalbal/balbal (salitang kalye) - pinakamababang uri ng wikang ginagamit ng tao, na nabuo sa kagustuhan ng isang partikular na grupo na nagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan. Ito rin ay maaring nabuo sa pag-baliktad ng mga salitang Kolokyal/pambansa.
·         Pampanitikan/panitikan - wikang sumusunod sa batas ng balarila at retorika.

Mga Kagamitan ng Wika:
·         Isang proseso ng pagpapalitan ng impormasyon na kadalasan na ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang sistema ng mga simbolo ang komunikasyon. Ang araling pangkomunikasyon ang disiplinang pang-akademya kung saan pinag-aaralan ang pakikipagtalastasan.
·         Ginagamit ang wika sa pagpapahayag ng pangungusap. Madaling maunawaan ang pangungusap kahit gaano pa kahaba o ano man ang anyo nito. Malinaw ito kaya madaling naiintindihan ng bumabasa o nakikinig ang kahulugan nito.
·         Pagpapaliwanag o pagpapaunawa ang tawag sa gawaing pangkaisipan upang matugunan ang pakikipagugnayang ginagamitan ng mga pananalita o mga hudyat o senyas ng kamay, maaaring kasabayan ng taong nakikipagugnanayan, o matapos ang bawat bahagi ng paglalahad ng taong nakikipagugnayan. Nagaganap ang pagpapaunawa sa pagitan ng dalawa, tatlo, o higit pang bilang ng mga tagapagsalita o tagapaglahad na hindi nakapagsasalita o nakasesenyas mula sa pinagmumulang wika.

 

Kategorya ng Paggamit ng Wika

Ang dalawang kategorya ng paggamit ng wika ay pormal at impormal o di-pormal.

 

Pormal

Ang pormal ay ang mga salitang istandard, karaniwan, o pamantayan dahil kinikilala, tinatanggap at ginagamit ng higit na nakararami lalo na mga nakapag-aral ng wika. Ginagamit ito sa mga usapang pormal. Narito ang mga uri nito:
1.     Pambansa o karaniwan - mga karaniwang salitang ginagamit sa mga aklat pangwika o pambalarila sa mga paaralan, gayundin sa pamahalaan.
2.      Pampanitikan o panretorika- mga salitang ginagamit sa mga akdang pampanitikan, karaniwang matatayog, malalalim, makulay, at masining.

 

Impormal o di-pormal

Ang impormal o di-pormal ay mga salitang karaniwang palasak at madalas gamitin sa pang-araw-araw na pakikipagusap. Ginagamit ito sa mga hindi pormal na usapan. Narito ang mga uri nito:
1.     Lalawiganin - mga bokabularyong diyalektal. Gamitin ito sa mga partikular na pook o lalawigan lamang.
2.     Balbal - mga salitang nahango lamang sa pagbabago o pag-usod ng panahon, mga salitang nabuklat sa lansangan.
3.     Kolokyal - mga salitang ginagamit sa mga pagkakataong inpormal. Ang pagpapaikli ng isa, dalawa, o higit pang salita ay mauuri rin sa antas na ito.

Kasaysayan
Mga Probisyong Pangwika sa Saligang-Batas
·         Saligang-Batas ng Biyak-na-Bato (1896) – Ang Wikang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Pilipinas.

·         Saligang-Batas ng 1935 – Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika. Hanggang hindi nagtatadhana ng iba ang batas, ang Ingles at Kastila ay patuloy ng gagamiting mga wikang opisyal.

·         Saligang-Batas ng 1973 – Ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pormal na adopsyon ng isang panlahat na wikang pambansa na tatawaging Filipino

·         Saligang-Batas ng 1987 – Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito’y dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Ang Kasaysayan ng Komisyon sa Wikang Filipino

Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na nilagdaan ng Pangulo ng Komonwelt, si Manuel L. Quezon noong Nobyembre 13, 1936. Ang pangunahing layunin ng Surian ay piliin ang katutubong wika na gagamiting batayan ng pagpapalaganap at pagpapatibay ng wikang pambansa ng Pilipinas.

Ang batas ay pag-alinsunod sa Konstitusyon ng 1935 na nagtatadhanang “ang Kongreso ay gagawa ng hakbang upang linangin at palaganapin ang wikang pambansa sa isang wikang katutubo.”

Noong Enero 13, 1937, hinirang ng Pangulo ang mga kagawad ng SWP. Si Jaime C. de Veyra ang naging unang direktor. Ang naging unang tahanan ng Surian ay ang isang maliit na silid sa Department of Public Information. Pagkaraan, nagpalipat-lipat ito: napatira sa Silid Blg. 326 ng Kongreso, nagkaroon ng silid sa MalacaƱang, nalipat sa Philippine Columbian, at noong 1940, napunta sa gusali ng UP Alumni sa Padre Faura. Noong 1942, napunta naman ito sa Philippine Normal School (naging College at ngayo’y University) bago napalipat sa “radio room” ng Mataas na Paaralang Mapa noong 1946. Nagbalik ito sa MalacaƱang noong 1947 bago napunta sa Philippine School at Arts and Trade. Nagkaroon din ito ng opisina sa isang “Japanese Temple” sa kalye Lipa, Maynila.

Nang itadhana ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 94 at ang Batas ng Pagbabagong Tatag ng 1947, inilipat ang pangangasiwa ng SWP sa Kagawaran ng Pagtuturo, at ito ay nanahanan sa gusali ng Edukasyon sa Arroceros. Tumagal ito roon ng 34 na taon. Noong 1984, nang buwagin ang nasabing gusali at nalipat ang noo’y Ministri (ngayo’y Kagawaran) ng Edukasyon, Kultura at Isports sa Palacio del Gobernador, lumipat ang SWP sa ikatlo at ikaapat na palapag ng Gusaling LDCI sa kanto ng EDSA at East Avenue, Lungsod Quezon.

Noong Enero taong 1987, batay sa nilagdaang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 ng Pangulong Corazon C. Aquino, ang SWP ay pinalitan ng Linangan ng mga Wika ng Pilipinas na pagkaraan ay binuwag naman nang buuin ang Bagong Konstitusyon ng Pilipinas noong 1987. Petsa Agosto 14, 1991 nang likhain sa bisa ng Batas Republika Blg. 7104 ang Komisyon sa Wikang Filipino. May atas ang Komisyon na magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas.

Ang pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng atas ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa ng iniuugnay sa iba’t ibang tanggapang pampamahalaan at maging pribado man (RA 7104, Sek. 14-g).

Sa kasalukuyan, ang komisyon sa Wikang Filipino ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas at nakabahay sa ikalawang palapag (second floor) ng Gusaling Watson, 1610 J.P. Laurel Street, San Miguel, Maynila.

Mga Naging Direktor/Tagapangulo Surian ng Wikang Pambansa, Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at Komisyon sa Wikang Filipino

RICARDO MA. DURAN NOLASCO(2006-Kasalukuyan. 

Guro, iskolar at linggwista. Nakatuon sa ang komitment sa multilinggwal na adhikain. Ang katwiran nito ay ibinatay sa pagiging multilinggwal at pagiging multikultural ng mga Pilipino. Ang kasalukuyang administrasyon ng KWF ay naniniwala sa napakalaking bentahe ng pagkakaroon ng Pilipinas ng mahigit na 170ng wika sa halip na isang disbentahe. Ang natural na kundisyon ng karaniwang Pilipino at ng karaniwang mamamayan sa daigdig ay hindi lang iisa ang alam na wika. Kinikilala ng KWF ang kahalagahan ng mga wikang ginagamit ng mga Pilipino – ang katutubong wika para sa literasiya at edukasyon ng mga mamamayan, etnikong pangangailangan at pang-araw-araw na gamit; ang wikang pambansa para sa pambansang kamalayan, pagkakaunawaan, pakikipag-ugnayan at pagkakakilanlan; at ang mga wikang pang-ibayong dagat na tutugon sa pangangailangan ng wika ng malawak na komunikasyon (language of wider communication) at wika ng ugnayang pang-internasyonal.

Kaugnay ng bagong bisyon ng KWF, nagkaroon ito ng mga bagong programa at proyekto, tulad ng mga sumusunod: pinalalakas nito ang mga programa sa leksikograpiya; programa sa balarila ng Pilipinas; programa sa ponolohiya, ponetika at ortograpiya; pambansang programa sa pagsasalin; proyekto sa sa pagmamapa ng mga wika sa Pilipinas; proyekto sa bibliograpiya ng mga wika sa Pilipinas; programa para sa endangered languages; corpus ng mga wika sa Pilipinas. Sinisikap ng KWF na itayo ang Library at Archives of Philippine languages; napataas ang kantidad at kalidad ng mga publikasyon; nagdadaos ng mga seminar, workshop, lektyur, at iba pang aktibidad na pang-edukasyon; pinapaganda ang website; nagkakaloob ng mga research grants o tinutulungan ang mga stakeholder na makakuha ng mga research grants; nagtatayo ng mga language councils sa mga rehiyon; pinalalakas ang mga kakayahang pang-IT at pampananaliksik, at higit sa lahat sinisikap na magkaroon ng sarili tahanan at gusali ng wika.


Mga Sanggunian:


Ang   pambansang wika   ay isang  wika o diyalekto  na natatanging kinakatawan ang pambansang pagkilanlan ng isang  lahi  at/o  bansa ....